MANILA, Philippines - Dalawang Low Pressure Area (LPA) na nasa teritoryo na ng bansa ang minomonitor ngayon ng PAGASA.
Unang namataan ang LPA sa layong 880 kilometro ng Silangan ng Timog Luzon habang ang isa naman ay nasa layong 1,080 kilometro sa Silangan ng Northern Mindanao.
Paiigtingin ng naturang LPA ang umiiral na habagat sa bansa.
Sinabi ni weather forecaster Jori Loiz, magkakaroon ng maulap na papawirin na may pulo-pulong pagkidlat at pagkulog sa Bicol Region, Eastern Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Patuloy na binabantayan ng Pagasa kung magiging ganap na bagyo ang mga naturang LPA.