MANILA, Philippines - Hinikayat ng isang mambabatas ang pamahalaan na gawin na lamang pabahay sa mga mahihirap ang mga nakatiwangwang at hindi ginagamit na mga ari-arian ng gobyerno.
Ayon kay LPG Marketers Association (LPG-MA) party list Rep. Arnel Ty, dapat na magsagawa ng inventory ang national government sa lahat ng non-performing real properties at pag-aralan kung ang mga ito ay maaring gawing bahay para sa mga mahihirap sa murang halaga.
Dapat din umanong gumawa ng specific strategy ang housing authorities upang ma-develop ang mga assets para sa community housing at humingi ng tulong sa Kongreso upang suportahan ito sa pamamagitan ng paghingi ng pondo.
Kabilang umano sa mga maaring gawing murang bahay ay ang mga hindi ginagamit na government warehouses at office buildings kabilang na ang mga nasira ng sunog, baha, landslides at iba pang disasters na maaaring pangasiwaan ng national shelter agencies o katulong ang provincial, city at municial governments.
Gayundin ang mga real estate na ipinasara o kinuha ng iba pang government financial institution na nananatiling walang gumagamit na umano’y kalimitang mayroon ganitong mga ari-arian ang Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at Philippine Deposit Insurance Corp.
Idinagdag pa ni Ty, na umaabot sa 580,000 informal settlers kabilang na dito ang 105,000 pamilya ang nakatira sa ilalim ng mga tulay sa paligid ng airports na maituturing na isang high risk zones base sa National Housing Authority.