Paliwanag ng LTFRB sa Pantranco deal hingi ni Roxas
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni DOTC Secretary Mar Roxas ang pagbuhay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa prangkisa ng Pantranco North Express, Inc. na 20 taon nang “patay”.
Pinagsusumite ng report ni Roxas ang mga opisyal ng LTFRB upang ipaliwanag kung paanong nangyaring naibenta sa mga kompanya ng bus ang Pantraco franchise para sa 489 units gayong noon pang 1993 ay expired na ito.
Nauna rito, sumulat daw sa tanggapan ni Roxas ang GV Florida Bus Lines, Dagupan Bus Lines, Saulog Transit, Partas at Baliwag Transit upang kuwestiyunin ang desisyon ng LTFRB na i-award sa mga kompanyang pag-aari ng Victory Liner ang expired nang Pantranco franchise.
Matapos ang pag-apruba ng LTFRB, ang prangkisa ng Pantraco ay pinaghati-hati umano sa Pangasinan Five Star, Victory Line, Bataan Transit, First North Luzon Bus Co. at Luzon Cisco Transport.
Pinatitingnan din ni Roxas sa Legal department ng DOTC kung paanong nakuha ng isang pamilya ang prangkisa na matagal nang hindi balido.
Sa July 23, 1996 DOTC Memorandum sa LTFRB at sa mismong LTFRB Memorandum Circular 2010-034; malinaw na nakasaad dito na hindi na puwedeng ibenta o ilipat sa ibang kompanya ang Pantranco permit to operate dahil nawalan na ito ng bisa noon pang 1993.
- Latest
- Trending