Nat'l Artist Award pinabubuwag

MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y diskriminasyon, plano ng Dakilang Lahi Foundation na ipabuwag sa Kongreso ang National Artist Award at palitan ito ng People’s Artist Award.

Sa pulong Balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Anthony Castelo, composer-singer at Presidente ng DLF, pawang mga elitista ang napipili para sa parangal na National Artist Award samantalang may mga karapat-dapat namang artistang Filipino.

Hindi umano ma­intindihan ni Castelo kung bakit hindi madesisyunan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pagbahagi ng national ar­tist award kay Comedy King Dolphy na ngayo’y nasa maselang kondisyon sa Makati Medical City.

Ayon pa kay Castelo, sa halip na National Ar­tist Award ay palitan na lamang ng People’s Artist Award dahil maraming mga batikang artista, director sa industriya ng pelikula ang nabalewala at hindi nabigyan ng pagkakataon na mabig­yan ng karangalan sa kabila ng mga naibahagi nilang kontribusyon sa bansa.

Base rin aniya sa pagsasaliksik ni Castelo sa NCCA at sa Cultural Center of the Philippines (CCP), si Dolphy ay nakasama sa nominasyon noong 2009 ngunit hindi na­bigyan ng pagkakataon na makamit ang award ng pagkilala sa kabila ng napakara­ming achievement na nagawa nito.

Show comments