Manila, Philippines - Hindi na mapag-iiwanan sa modernisasyon ng mga bansa sa Asya ang Philippine Air Force (PAF) dahil sa pagdating ng karagdagan pang 25 helicopter bago matapos ang taon.
Ito ang inianunsyo ni PAF Chief Lt. Gen. Lauro Catalino dela Cruz sa ginanap na Air Power Symposium sa SMX Convention Center sa Mall of Asia sa Pasay City kaugnay ng ika -65 taong anibersaryo ng hukbong panghimpapawid sa darating na Hulyo 6.
Ang karagdagang mga helicopter ay ipapalit sa luma na nilang mga sasakyan.
Apat pa mula sa kabuuang 8 brand new combat utility Sokol choppers na nagkakahalaga ng P3 bilyon na inorder ng Defense department sa PZL Swidnik sa Poland ang idedeliver na sa bansa sa darating na Nobyembre.
Samantala, 21 pang refurbished o segunda manong Huey helicopters na ang ilan ay galing sa Estados Unidos ang darating na rin bago magtapos ang Disyembre 2012.
Sa kasalukuyan, ang PAF ay mayroong 50-60 Huey helicopters bukod sa 16 na MG 520 attack helicopters na gamit ng mga ito sa operasyon kontra sa mga rebeldeng grupo.
Ginagamit rin ang mga helicopters sa panahon ng kalamidad at maging sa paglilipad ng mga sundalong nasusugatan sa engkuwentro.