Jinggoy payag i-hospital arrest na lang si GMA
Manila, Philippines - Kahit pa nakaranas si Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada na makulong sa ilalim ng administrasyong Arroyo, naniniwala pa rin ito na hindi dapat bastusin at ikulong sa ordinaryong kulungan si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Ayon kay Estrada, dapat pa ring tratuhin ng maayos ang dating Pangulo at panatilihin na lamang ang nararanasan nitong hospital arrest.
Nagbiro pa si Estrada na kahit na isang “bogus” president si Arroyo, dapat bigyan pa rin ito ng kaukulang kortisiya hindi lamang bilang dating pangulo ng bansa kung hindi bilang isang babae.
Pero tutol si Estrada na i-house arrest si Arroyo at sa halip ay panatilihin na lamang umano ito sa kasalukuyan niyang kinalalagyan sa Veterans Memorial Medical Center kung saan naranasan din ng senador na makulong.
Maging si Sen. Gregorio Honasan ay pabor sa naunang sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na hangga’t hindi nahahatulan ng ‘guilty’ sa korte si Arroyo ay dapat itong tratuhin ng maayos.
Nahaharap si Arroyo sa kasong electoral sabotage na walang nakalaang piyansa.
- Latest
- Trending