MANILA, Philippines - Inalerto kahapon ng Bureau of Customs (BoC) ang lahat ng pantalan sa buong bansa laban sa napapabalitang pagpasok ng mga produktong kontaminado ng Mercury na nagmumula umano sa China.
Sinabi ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na wala pa naman silang natatanggap na report hinggil sa mga produktong may Mercury content na pumapasok sa mga pantalan. Pinawi rin nito ang pangamba ng publiko kasabay ng paalala na maging mapanuri sa pamimili.
“Hindi po tayo magpapakampante kung sakali man na may mga ganyang balita at sisiguraduhin po namin na hindi makakapasok ang ganyang mga produkto,” ani Biazon.
Inatasan rin ng BoC commissioner ang kanyang mga tauhan na suriing mabuti ang lahat ng mga produktong pumapasok sa mga pantalan, partikular ang ibat-ibang uri ng gatas na nagmumula sa ibang bansa.
Katuwang ng BoC ang Food and Drug Administration (FDA) na magsasagawa ng mahigpit na pagbabantay sa mga milk product na papasok sa Pilipinas upang kaagad malaman kung ito ay kontaminado ng Mercury.
Binalaan din nito ang sinumang negosyante o broker na mahuhulihang nagpapasok ng mga produktong may Mercury content na sasampahan ng mga kaukulang kaso.
Una nang tiniyak ng FDA na wala pang Quanyou Milk na ibinebenta sa bansa. Ni-recall ng China ang nasabing produkto ng Inner Mongolia Yili Industrial Group nang mabatid nila na kontaminado ng nakalalasong kemikal ang gatas.
Lumilitaw na kapag nainom o nakain ang nasabing kemikal ay maaaring maging sanhi ito ng problema sa paningin, pan dinig, insomnia, mabagal na development ng bata at pagkaparalisa. (Butch Quejada/Doris Borja)