MANILA, Philippines - Nagmulta ng P10,000 at humingi ng sorry sa pamamagitan ng public apology ang dalawang bus company matapos na magpalabas ng malalaswang pelikula sa loob ng bus habang bumibiyahe.
Ayon kay Chairman Mary Grace Poe Llamanzares ng MTRCB, ang mga bus na ito ay ang Cher Transport Development Service Cooperative (TYM-453) at ang Baclaran Metro Link (TVT 558).
Nalaman ng MTRCB base sa reklamo ng pasahero ng naturang mga bus na ang mga bus na ito ay nagpalabas ng pelikulang Colombiana na sa listahan ng ahensiya ay Rated 13, na hindi angkop sa mga batang manonood dahil ito ay may temang aksyon, sekswal at karahasan.
Sinabi ni Llamanzares na tanging ang mga pelikulang may General Patronage at Parental Guidance lamang ang pinapayagan ng ahensya na ipalabas sa mga bus.
Pinayuhan din ni Llamanzares ang bus driver o conductor na ilipat sa ibang channel ang pinapanood na tv show sa loob ng bus kung ito ay nasa rated 13.
Kaugnay nito, 14 pang bus company ang iniimbestigahan ng MTRCB dahil din sa pagpapalabas ng rated 13 na pelikula tulad ng Jac Liner, Malanday Metro Link Bus, Jam Transit, Del Carmen Bus habang ang Victory Liner ay nireklamo ng isang foreigner na nagpalabas umano ng triple xxx na pelikula.