Mga pulis palpak bumaril
MANILA, Philippines - Malaking bilang pa rin ng mga personnel at opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang hindi asintado sa pagtarget ng mga kriminal na kalaban ng batas.
Dahil dito, ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Generoso Cerbo Jr., matapos ang slimming program sa mga tabatsoy na pulis ay ipinasasalang naman ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome sa pinalakas na marksmanship seminars at training sa paghawak ng baril ang mga aktibo nitong mga tauhan at opisyal.
Sinabi ni Cerbo na kailangang hindi sasablay sa target na mga kriminal sa mga pagkakataon ng ‘shootout’ ang mga pulis upang walang maging biktimang mga inosenteng sibilyan.
Sa tala ng PNP, may mga ilang pagkakataon na sa halip na ang kabarilang mga holdaper ay mga inosenteng sibilyan ang tinatamaan ng mga pulis na ‘di asintado o palpak sa paghawak ng kanilang mga armas.
Nilinaw naman nito na hindi sisibakin ang mga pulis na babagsak sa proficiency test at sa halip ay bibigyang muli ng pagkakataon na pagbutihin pa ang kanilang marksmanship at karagdagang pagsasanay.
Ikinokonsidera rin ng PNP ang paggamit ng ‘virtual firing” (computer stimulated firing) na isinasagawa ng ibang mga ahensyang tagapagpatupad ng batas dahil higit itong matipid at hindi gagamit ng bala.
- Latest
- Trending