41 bangko nagsara
MANILA, Philippines - Naalarma ang isang mambabatas bunsod sa pagsasara ng may 41 bangko sa bansa sa loob lamang ng 18 buwan kung saan 547,000 depositors ang naghahabol ngayon ng kanilang deposito.
Dahil dito kayat pinapaimbestigahan ni LPGMA party list Rep. Arnel Ty sa House committee on banks and financial intermediaries ang nasabing ulat lalo pa at umabot na rin sa 2,000 empleyado ang nawalan ng trabaho.
Giit ng mambabatas, dapat na siguruhin kung mayroong umiiral na batas upang pigilan ang pandaraya sa banking practices at maprotektahan ang depositors gayundin upang magtiwala ang publiko sa banking industry.
Kasabay nito ay kinalampag naman ni Ty ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Bankers Association of the Philippines na tumulong upang makahanap ng trabaho ang may 2,000 dislocated staff ng may 220 sangay ng bangko.
Sa ngayon ayon kay Ty ay sinisimulan na ng Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) ang pagbabayad sa depositors ng Export and Industry Bank na ipinasara ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong April 27.
Ang nasabing bangko na may 50 branch sa bansa ay isa sa tatlong malalaking bangko na ipinasara ng BSP dahil sa “severe liquidity issues and their inability to service withdrawals.”
Ang dalawang mala king bangko na naipasara na rin ang 20-branch ng LBC Development Bank at 62-branch ng Banco Filipino Savings and Mortgage Bank.
Ang may 41 bangko na naipasara ng BSP sa nakalipas na 18 buwan ay bukod pa sa mga naunang 32 rural banks na naipasara noong 2010.
- Latest
- Trending