Party list solons umangal sa raffle system ng Comelec
MANILA, Philippines - Hindi pabor ang mga party list congressmen sa resolusyon ng Commission on Election (Comelec) na hindi na alphabetical listing ang talaan ng mga party list groups at sa halip ay idadaan na lamang ito sa raffle.
Ayon kay Citizens Battle Against Corruption (Cibac) party list Rep. Sherwin Tugna, maghahain sila ng formal complaint sa Comelec upang kontrahin ang resolusyon dahil lalo umanong gugulo ang pagboto ng mga tao sa party list na gusto nilang ihalal. Giit ni Tugna ang dapat gawin ng Comelec ay salain kung may basehan ang paggamit ng party list ng numero uno at letrang A upang ito ang maging pangalan ng party list nila.
Para naman kay Yacap party list Rep. Carol Jane Lopez na lalong mahihirapan ang botante sa paghahanap ng party list na gusto nilang iboto at nakakalito pa ito partikular na ang mga matatanda na malabo na ang paningin kung maghahanap pa sa listahan ng pangalan ng ibobotong party list.
Para naman kay Agham party list Rep. Angelo Palmones, hindi na importante kung sino ang makakakuha ng number 1 slot sa listahan dahil pinipili naman ng botante ang gusto nilang grupo base sa adbokasiya at programa nito.
- Latest
- Trending