MANILA, Philippines - Binabantayan na ng PAGASA ang bagyong si Talim na nagbabantang pumasok sa bansa ngayong Miyerkoles ng hapon.
Ayon sa PAGASA, kapag pumasok sa area of responsibility si Talim ay tatawagin itong bagyong Carina.
Maaaring mahatak ni Carina ang habagat na siyang magdadala ng mga pag-uulan sa bansa.
Una rito, inilunsad ng PAGASA ang Rainfall weather system na siyang magbibigay ng impormasyon sa taumbayan tungkol sa ulan upang makapaghanda ang publiko sa inaasahang epekto nito sa kanilang pamumuhay.
Kahit walang bagyo, magbibigay pa rin ito ng impormasyon sa mga tao sa pamamagitan ng rainfall weather system hinggil sa mga weather disturbances na papasok sa bansa.
Kahapon, namataan si Talim sa layong 387 kilometro kanluran ng Philippine area of responsibility taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 100 kilometro bawat oras. Ito ay kumikilos sa bilis na 13km bawat oras.
Pero kahit na makapasok sa Philippine area of responsibility, bahagyang malayo pa rin sa kalupaan ng Luzon ang sentro ng bagyo.
Sa ngayon, pinapaigting ng tropical storm ang epekto ng southwest monsoon o habagat sa bahagi ng Vietnam at West Philippine Sea.