MANILA, Philippines - Napaslang ang lider ng notoryus na kidnapping-for-ransom (KFR) gang na nag-ooperate sa Zamboanga Peninsula matapos makasagupa ng mga operatiba ng pulisya sa Zamboanga City, kamakalawa ng tanghali.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Napoleon Estilles, director ng Police Regional Office 9, kinilala ang napatay na si Ustadz Wahid Pingli, lider ng kilabot na KFR gang na nakabase sa Sacol Island.
Si Pingli na gumagamit ng alyas Guru ay kapatid ni Ismael Pingli ng 3rd Section ng 114th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front sa Tipu-Tipo, Basilan.
Bandang alas-12:15 ng hapon nang makasagupa ng mga awtoridad ang grupo ng magkapatid na Pingli sa Sacol Island.
Tumagal ng 25-minuto ang bakbakan hanggang sa magsitakas ang mga bandido na naghiwahiwalay ng direksyon at inabandona ang bangkay ng kanilang napatay na lider na sinasabing tubong Landang Gua, Sacol Island na sangkot sa ekstorsyon, harassment at kidnapping.
Ang grupo ni Pingli sangkot sa pagdukot sa tatlong guro noong Enero 23,2009; pagkidnap kina Eliseo Hablo at isang tinukoy na alyas Mr. Bautista.
Samantala, sangkot din ang grupo ni Pingli sa pagdukot sa mag-inang US citizen na sina Gerfa Yeatts Lunsmann, Kevin Eric at pamangking si Romnick Jak aria noong Hulyo 21, 2011 sa Sacol Island.