MANILA, Philippines - Sa halip na isara na kahapon ang pagpasok ng nominasyon at aplikasyon sa posisyon ng chief justice ng Korte Suprema, pinalawig pa ito ng dalawang linggo o hanggang sa Hulyo 2, upang bigyang-daan ang iba pang kandidato, ayon sa Judicial and Bar Council (JBC).
Sinabi ni JBC member Jose Mejia, sa kasalukuyan ay nakatanggap na ng 38 nominasyon para sa nasabing posisyon.
Kabilang sa awtomatikong nominado ang limang pinaka-senior Justices na sina acting Chief Justice Antonio Carpio, Associate Justices Presbitero Velasco Jr, Teresita Leonardo-de Castro, Arturo Brion, at Diosdado Peralta.
Sa 38 nominasyon, dalawa ang nadiskuwalipika dahil ang isa ay nurse at hindi abogado na si Jocelyn Esquivel at dating Court of Appeals (CA) Associate Justice Hilarion Aquino dahil sa pagiging 80-anyos na nito.
Samantala, aprubado na ng JBC ang mungkahing live media coverage sa pagpili sa susunod na punong mahistrado.