MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Palasyo ng Malakanyang na hawak nga ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang foreign journalist na isang Jordanian national at dalawa nitong Pinoy crew na ilang araw na ring nawawala.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakatanggap sila ng impormasyon na nasa ‘kuta’ ng ASG ang Jordanian TV reporter na si Baker Abdulla Atyani, Bureau Chief ng Al Arabiyah Southeast Asia television network na nakabase sa Dubai.
Kasama ni Atyani ang dalawa niyang Pinoy crew na sina Rolando Letrero at Ramelito Vela.
Gayunman, hindi makumpirma ni Lacierda kung ‘kinidnap’ ang tatlo o sadyang nanatili lamang sa kuta ng mga bandido sa Sulu.
Sinabi ni Lacierda, kung sakali mang dinukot talaga ng ASG ang tatlo ay nanindigan ito sa umiiral na “no ransom policy” na ipinatutupad ng gobyerno.
Ginawa ni Lacierda ang pahayag matapos lumutang ang umano’y P50-milyong ransom demand ng mga bandido kapalit ng paglaya ng mga biktima.
Sa hiwalay na panayam sa Malacañang, sinabi ni PNP Chief Nicanor Bartolome na wala pa silang natatanggap na impormasyon kaugnay sa ransom demand kaya hindi pa nila idinideklarang isang kaso ng Kidnapping for Ransom (KFR) ang pagkawala ng tatlo.
Katuwang na ng PNP ang AFP sa paghahanap sa nasabing mga journalist na nawala matapos umakyat sa bundok upang makapanayam ang ilang lider ng ASG.
Nabatid na si Atyani ay maraming beses nang nakapagsagawa ng eksklusibong interview sa mga lider ng ASG at ilang beses na rin umakyat at labas-masok sa ‘kuta’ ng mga bandido.
Napag-alaman din na noong nabubuhay pa ang Al Qaeda lider na si Osama bin Laden ay maraming beses din na-interview ni Atyani.