11 PNP officers sibak!
Manila, Philippines - Ipinag-utos na kahapon ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang pagdismis sa 11 opisyal ng pulisya at pagsuspinde sa anim na iba pa kaugnay ng pagkakasangkot ng mga ito sa maanomalyang pagbili ng tatlong Robinson R44 Raven helicopter noong 2009 na overprice umano ng mahigit P104 milyon.
Pinalabas na mga bago pero segunda mano ang dalawa sa chopper.
Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesman Sr. Supt. Generoso Cerbo Jr., bilang pagbibigay linaw sa mga naglabasang espekulasyon na tinutulugan ng PNP ang kaso.
Sinabi ni Cerbo na ang pagpapataw ng kaparusahan sa nasabing mga opisyal ay bilang tugon sa resolusyong isinumite ng Ombudsman noong Mayo 30, 2012 na inaprubahan noong Hunyo 1, 2012.
Epektibo nitong Hunyo 15 ay dinismis sa serbisyo, tinanggalan ng retirement benefits at diskuwalipikado ring magtrabaho sa anumang tanggapan ng gobyerno sina Chief Supt. Luis Saligumba, Chief Supt. Herold Ubalde, Sr. Supt. Job Nolan Antonio, Sr. Supt. Mansue Lukban, Sr. Supt. Edgar Paatan, Supt. Ermilando Villafuerte, Supt. Roman Loreto, Chief Inspector Ma. Josefina Recometa, SPO4 Ma. Linda Padojinog, SPO1 Avensuel Dy at Non-Uniform Personnel (NUP) Ruben Gongona.
Pinatawan naman ng anim na buwang pagkakasuspinde epektibo Hunyo 15 hanggang Disyembre 15 ng taong ito sina Sr. Supt. Joel Crisostomo Garcia, SPO3 Jorge Gabiana, PO3 Dionisio Jimenez, NUPs Emilia Aliling, Edwin Chavarria at Edwin Maranan.
Binawasan naman ng halos isang taong suweldo ang payment ng mga ‘accumulative leave credits’ at pagtatanggal sa retirement benefits at hindi na rin mabibigyan pa ng pagkakataon na magserbisyo sa tanggapan ng gobyerno alinsunod sa inilabas na resolusyon ng Ombudsman noong Mayo 30 sina dating P/Director Leocadio Santiago Jr. na nagretiro noong Marso 16, 2012; P/Director George Piano, nagretiro noong Abril 8, 2012 at Supt. Claudio Gaspar Jr., nagretiro noong Peb. 2, 2012.
Sinampahan na ng Ombudsman ng kasong graft and corruption sa Sandiganbayan si dating First Gentleman Mike Arroyo kaugnay ng kontrobersyal na chopper scam.
Ang nasabing mga segunda manong helicopter ay napatunayan ng Ombudsman na pag-aari ng dating Unang Ginoo.
- Latest
- Trending