Manila, Philippines - Inihain kahapon ni Camarines Sur Rep. Diosdado “Dato” Arroyo ang isang panukalang-batas na magtatatag ng isang opisinang tutulong sa mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) na makahanap ng trabaho.
Sinabi ni Arroyo na pangunahing awtor ng House Bill 6223, panahon nang magkaroon ng isang tinatawag na “Persons with Disability Employment Facilitation Office” (PWDEFO) sa bawat probinsiya, pangunahing lunsod at istratehikong mga lugar sa buong bansa.
Kasama ng mambabatas na umakda sa panukala ang ina niyang si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Ipinaliwanag ng batang Arroyo na sa PWDEFO, matutulungan ang taong may kapansanan sa paghahanap ng trabaho, mabibigyan siya ng kaukulang pagsasanay at magsisilbing referral at information center para sa iba’t-ibang serbisyo at programa ng Department of Labor and Employment at ng iba pang mga ahensiya.
Idiniin ng mambabatas na sa ganitong oportunidad, mapapalakas ang kumpiyansa sa sarili ng PWDs at matutulungan silang umasa sa kanilang sarili at maging produktibong miyembro ng pamayanan.