Manila, Philippines - Pagkasibak sa puwesto ang naghihintay sa mga matatabang pulis na babagsak sa Physical Fitness Test (PFT) ng Philippine National Police.
Ito ang babala ni PNP Chief P/Director General Nicanor Bartolome matapos simulan ang pag-eehersisyo ng mga overweight o matatabang pulis.
“Ang tatanggalin natin dito ay yung hindi nakakapasa sa PFT program kaya in order to pass the fitness test kailangan na fit na fit ka sa pangangatawan upang ma-handle mo yung mga push ups, pull up, sit ups at iba pang exercise,” paliwanag ni Bartolome.
Ginagawa ang regular na pag-eehersisyo ng mga pulis sa Crame tuwing Martes at Huwebes mula alas-5 hanggang alas-7 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Ipinaliwanag pa ng PNP Chief na ang ‘slimming campaign’ para sa PNP General Headquarters sa mga obese rank and file ay naglalayong mapagbuti pa ang serbisyo publiko at imahe ng mga pulis.
Lumitaw na nasa 3,000 police officers sa Camp Crame ay mga sobra sa timbang.
Una nang inilunsad ng PNP ang “Biggest Weight Reduction Challenge” sa PNP General Headquarters sa Camp Crame bilang pilot test ng programa sa pagpapapayat ng mga pulis. Isusunod naman ang iba pang mga himpilan ng pulisya sa bansa.