MANILA, Philippines - Nangangalap ngayon ng isang milyong lagda ang mga miyembro ng League of Filipino Students (LFS) upang pigilan ang implementasyon ng K to12 program ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa LFS, dagdag gastos lamang para sa mga magulang, pasakit at dagdag na taon para sa mga estudyante ang K to 12 program na marapat lamang nilang tutulan.
Anila, ang dapat umanong bigyang pansin ng kagawaran ng edukasyon ay ang pagresolba sa kakapusan ng mga silid-aralan, upuan, libro, palikuran, guro at iba pang suliranin na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante.
Dapat din umanong pagtuunang pansin ng DepEd at ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagpigil sa patuloy na pagtaas ng matrikula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Sinabi pa ng LFS, sa halip na tapyasan ng gobyerno ang pondo sa mga Colleges and Universities na pinatatakbo ng pamahalaan ay dapat pa itong dagdagan upang mapakinabangan ng maraming bilang ng mag-aaral.
“Pinagdadamot ng gobyerno ang de-kalidad at abot-kayang edukasyon dulot ng napakababang alokasyon sa badyet ng edukasyon kumpara sa militarisasyon at pambayad-utang panlabas,” pahayag LFS.
Sa panig naman ni DepEd Assistant Secretary Jesus Mateo, sinabi nito na pinahaba lamang ang panahon ng pag-aaral, gamit ang pinagandang curriculum, para mapanday nang husto ang talino ng mga mag-aaral at makasabay sa ‘global competition’ sa larangan ng edukasyon.