MANILA, Philippines - Hindi na umano kagulat-gulat ang pagbagsak ng satisfaction rating ng Pangulong Benigno Aquino III, base na rin sa pinakahuling survey na ipinalabas ng Social Weather Station (SWS).
Ayon kay Malolos Bishop Jose Oliveros, ang kawalan umano ng pakialam ng Pangulong Aquino sa malalaking problema ng bansa gaya ng kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho at pagbalewala sa problema ng mga magsasaka ang dahilan nang pagbagsak ng satisfaction rating nito.
Sinabi ni Oliveros, sa usapin na lamang ng Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reform (CARPER) ay bigo umano si PNoy na ipatupad, gayung kung tutuusin ay ito ang tanging solusyon sa kagutumang nararanasan sa bansa.
“Well, di na natin ikinagulat yan (pagbagsak ng rating). Kung mapapansin mo wala naman nagbago sa buhay ng mga tao. Marami pa rin ang naghihirap, nagugutom, at walang trabaho. Still ang problema ng mga magsasaka noon ay ganun pa rin ngayon,” ayon kay Oliveros, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
“Sa usapin na lamang ng CARPER ay hindi pa rin ito natutugunan ni PNoy. Ito ang mga dahilan kung bakit bumababa ang tiwala ng publiko sa kanya,” dagdag pa ni Oliveros.
Batay sa lumabas na survey ng SWS, mula sa 49 percent satisfaction rating ni PNoy noong Marso ay bumaba ito sa 42 percent nitong nakaraang buwan.