Rollback sa pasahe nais ni Casiño
MANILA, Philippines - Nais ni Bayan Muna party list Rep. Teddy Casiño na magkaroon ng rollback sa pasahe bunsod na rin ng patuloy na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Casiño, marapat lamang umanong magkaroon ng rollback sa pasahe na hindi naman nito binanggit kung magkano.
Sinabi pa ni Casiño, hindi sapat ang oil price rollbacks dahil hanggang Marso 2012, ang presyo ng diesel ay overpriced pa ng P7.86 kada litro habang ang gasolina ay P16.18 kada litro.
Batay umano sa pag-aaral na isinagawa ng Bagong Alyansang Makabayan, simula nang isailalim sa deregulasyon ang oil industry noong 1999 ay patuloy at mabilis ang pagtaas sa presyo ng gasolina kapag nagkaroon ng pagtaas sa world market.
Taliwas naman ito kapag mayroong pagbaba sa presyo ng gasolina sa world market ay napakabagal naman ang pagbaba nito sa lokal na pamilihan.
Ayon sa mambabatas, mula Enero 1999 hanggang Marso 2012 ay nagawa umanong mag-overprice ng mga oil companies ng hanggang P7.86 kada litro sa diesel at P16.18 sa gasolina.
Malinaw din umano na ginigisa tayo sa sariling mantika ng mga oil companies at dapat itong makita at solusyunan ng pamahalaan.
- Latest
- Trending