MANILA, Philippines - Hinimok ng ilang negosyante si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon na huwag nang tumakbo bilang senador sa darating na 2013 election dahil mas kailangan ito sa nasabing ahensiya upang labanan at sugpuin ang umano’y smuggling sa bansa.
Nabatid na napabalitang isasama sa line-up si Biazon sa manok ng administrasyon bilang isa sa mga kandidato ng pagka-senador sa darating na halalan.
Ayon kay Consumer Advocate Raul T. Concepcion ng Serving and Protecting the Filipino Consumer ng Government Watch, mas epektibong manatili si Biazon sa BOC dahil mas kailangan aniya ito ng naturang ahensiya para labanan at sugpuin ang sindikato ng smuggling dito.
Pinuri pa ni Concepcion ang ginagawang paglilinis ngayon sa BoC ng batang Biazon upang labanan ang mga sindikato sa loob ng Aduana na siyang isa sa dahilan kung bakit nalulugi ang gobyerno dahil hindi nakakakolekta ng tamang buwis at napupunta sa bulsa ng mga sindikato.
Inamin naman ni Biazon na may mga nakakalusot pa rin na mga sindikato sa loob ng BOC at aniya hindi naman siya perpekto, ngunit kanyang pipilitin na mawala na ang talamak na smuggling sa bansa na siyang pinaka malaking hamon sa kanyang panunungkulan bilang hepe ng BOC.