Los Angeles- Ipinahiwatig kahapon ni Pangulong Benigno C. Aquino III na hindi niya itatalaga bilang chief justice ng Supreme Court si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares.
Sa isang pulong-balitaan sa presidential plane patungong Los Angeles, California, tinanong si Aquino tungkol sa pormal na nomination ng Judicial Bar Council (JBC) kay Henares.
Ayon sa Pangulo, dapat ay tanungin muna si Henares tungkol sa pagkakanomina nito sa JBC pero kung ikokonsidera umano ang “parochial concerns,” makikitang epektibo si Henares sa kaniyang kasalukuyang trabaho dahil sa dami ng naihaing kaso.
Inihayag pa ni Aquino na mukhang marami pa rin ang natatakot at hindi nagbabayad ng buwis kaya maraming kaso ang naiihain ng BIR.
Naniniwala rin ang Pangulo na mas nanaisin ni Henares na tapusin ang mga inihain niyang kaso laban sa mga hindi nagbabayad ng buwis.
“Baka palagay ko gusto niyang tapusin rin ‘yung kanyang work in progress,” anang Pangulo.
Hindi rin umano pipiliitin ng Pangulo si Henares na humawak ng ibang puwesto sa gobyerno lalo pa’t kahit kailan naman ay wala siyang pinilit na tao.