Sabi ng Malacañang: LTFRB ang bahala sa bawas sa pasahe
MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng Malacañang ang sunud-sunod na pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo sa lokal na merkado. Gayunman, ipinauubaya nito sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) ang pagdedesisyon sa posibleng pagtapyas sa singil sa pamasahe.
Sa panayam ng government-run dzRB radio nitong Sabado, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na ang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo ay batay sa pagbaba rin ng presyo ng langis sa world market.
“Mukhang nakikita natin ang kalakaran sa pagbaba ng presyo bawat bariles, nagre-reflect naman sa susunod na rollback,” pahayag ng opisyal.
Dahil sa sunud-sunod na pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo, may mga panawagan na dapat ibaba na rin ang singil sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan tulad ng jeepney at taxi.
Ngunit ayon kay Valte, ipinapaubaya nila ang desisyon tungkol sa nasabing usapin sa LTFRB kung saan inihahain ang mga petisyon tungkol sa pagtaas at pagbaba sa singil sa pamasahe.
Nitong Sabado, inihayag ng mga kumpanya ng langis ang pagbawas sa presyo ng mga produktong petrolyo na umaabot sa P1.50 hanggang P2.00 sa bawat litro.
Inaasahan na masusundan pa ang roll back sa susunod na linggo.
- Latest
- Trending