PNoy nakaranas ng wang-wang sa Amerika
Los Angeles, California - Bagaman at galit sa paggamit ng wang-wang sa Pilipinas, nakaranas ng matinding VIP treatment at wang-wang si Pangulong Benigno Aquino III patungong Andrews Air Force Base sa Washington D.C. matapos makipag-usap kay United States President Barack Obama sa White House.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa loob ng chartered plane mula Washington D.C. patungo dito sa Los Angeles, California, sinabi ng Pangulo na hindi siya komportable at napatakip na lang siya ng mukha sa naranasang VIP treatment at wang-wang na ginamit ng kaniyang mga American escorts patungong Andrews.
“Sa totoo lang medyo napapatakip ako ng mukha,” anang Pangulo.
Halos lahat ng mga sasakyan ay tumigil sa rutang dadaanan ng Pangulo patungong Andrews mula sa White House kung saan naghihintay ang Philippine Airlines Flight 001.
Sinabi ng Pangulo na sana ay hindi na lang pinatigil ang lahat dahil mas komportable ito sa kaniyang pakiramdam lalo pa’t hindi siya sanay sa ibinigay na VIP treatment.
At saka tumigil ang lahat eh.... Kung kaya sana wala na lang para mas komportable. Dadaanan mo lahat ‘nung turistang, di ba? Talagang lahat nandoon—may wang-wang, may counter flow—talagang medyo…Sabi ko parang… Hindi ako sanay sa ganito, ano,” anang Pangulo.
Tiniyak din ng Pangulo na hindi siya masasanay sa paggamit ng wang-wang at pagpapatigil sa mga motorista lalo sa isang demoktratikong bansa.
- Latest
- Trending