DOH hinamong ilabas ang tunay na datos ng HIV sa bansa
Manila, Philippines - Hiniling ni Western Samar Rep.Mel Senen Sarmiento sa Department of Health (DOH) na ilabas sa publiko kung isa ng epidemya sa Pilipinas ang Human immunedeficiency virus o HIV.
Ayon kay Sarmiento, masyado na umanong nakakaalarma ang natatanggap nilang impormasyon na nasa siyam na kaso ng HIV infection ang nagaganap araw-araw o isang Pilipino ang nahahawa kada tatlong oras.
Giit ng mambabatas kung totoo umano ang ulat ay lubha itong nakakaalarma dahil maituturing na itong epidemya kayat dapat na gumawa ng agarang hakbang ang gobyerno upang masiguro ang seguridad pang kalusugan ng publiko sa sandaling hindi na makontrol ang pagkalat ng HIV.
Ayon umano kay Genesis May Samonte, hepe ng DOH epidemiology center’s HIV surveillance department, nakapagtala sila ng 9 na bagong kaso ng HIV simula nitong Enero.
Sinabi naman ni Iloilo Rep. Jerry Trenas na nakatanggap din siya ng kaparehong impormasyon mula sa occupational medicine doctors na nagbunyag sa kanya na mula sa tatlong kaso ng HIV per day noong nakalipas na taon, ang bilang ng infection ay tumaas ng 9 kada araw sa nakalipas na anim na buwan.
Nagbabala rin si Trenas sa posibilidad na mag-triple pa ang naturang bilang sa susunod pang anim na buwan kung mabibigo ang pamahalaan na magpalabas ng pinakamabisang paraan para maresolba ang problema.
Base sa nakuha niyang impormasyon, sinabi ni Trenas na ang mataas na bilang ng bagong kaso ng HIV infection ay mula sa Business Process
Outsourcing (BPO) sector, kung saan ang ilan ay pawang mga kabataan na nasa edad sa pagitan ng 18 hanggang 19 taong gulang.
Dahil dito kayat hihilingin umano nina Sarmiento at Trenas sa House Committee on Health na magsagawa ang DOH ng HIV situationer briefing upang makagawa rin ng hakbang ang kongreso kung papaano makakatulong na maresolba ang problema.
- Latest
- Trending