Biazon, hinog na sa Senado pero mas oks sa BOC - Concepcion
Manila, Philippines - Hinog na para maging senador si Commissioner Rozano “Ruffy” Biazon ng Bureau of Customs (BOC) pero mas kailangan siyang manatili sa kasalukuyan niyang puwesto para linisin ang kawanihan sa mga iligal at tiwali.
Ipinahayag ito ni Consumers advocate Raul Concepcion, chairman ng grupong Gov’t Watch dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin pala naaapula ang umiikot na usap-usapang isa si Commissioner Biazon sa inimbitahan ni Pangulong Benigno Aquino III para sumama sa senatorial line-up ng administration party sa 2013 midterm elections.
Bagama’t iginagalang ni Concepcion ang balak ng Pangulo na maisama si Biazon sa kanyang mga pambatong senador sa darating na halalan, naniniwala naman siyang marapat pa ring hayaan ang dating mambabatas ng Muntinlupa na tapusin ang nasimulan sa BOC.
Humahanga si Concepcion kay Biazon sa ipinagpapatuloy na programa sa transparency, accountability, propesyonalismo at pagpapaigting ng buwis sa BOC pero isang realidad na ang lahat ng ito ay hindi makakayang gawin sa isang iglap.
Kumpara naman sa ilang reeleksyonista at maraming nag-aambisyong maluklok sa Senado, mas hinog at mas may karapatan naman talaga si Ruffy pero para kay Gov’t Watch, mas kailangan ang isang gaya niya sa BOC.
Napisil ni PNoy na pamunuan ni Biazon ang BOC dahil tiwala ang Pangulo na mawawalis ng komisyoner ang mga bulok at bugok sa kawanihan.
Ito rin ang paniniwala ni Concepcion lalo’t patuloy ang mga ulat na laganap ang pagpupuslit ng mga karneng baboy, manok, isda, mga produktong agrikultura at iba pang tulad nito. Aniya, kailangan ng BOC ng isang pinuno na naninindigan laban sa katiwalian at tinukoy niya si Biazon.
Sa mga nakaraang araw, sunod-sunod na naging matagumpay ang komisyoner sa anti-smuggling campaign ng pamahalaan. Ilang smuggling attempt ang nabuko ni Biazon kasabay ng pag-aresto at pagsasampa ng kaso sa mga nasasangkot.
Isang broker ang ipinadakip niya sa mismong bakuran ng BOC nang mahuli na nakikipagkutsaba sa ilang tiwaling kawani.
- Latest
- Trending