MANILA, Philippines - Namundok na muli o nagbalik sa kilusan ng New People’s Army (NPA) ang anim sa binansagang “Morong 43” na nasakote ng militar sa Rizal noong Pebrero 2010.
Ito ang ibinulgar kahapon ni Col. Ivan Samarita, commander ng Army’s 202nd Infantry Brigade (IB) kung saan ang anim sa Morong 43 ay kanila ng tinutugis sa kabundukan ng Southern Tagalog.
Kinilala ng opisyal ang mga pinaghahanap na sina Yolanda Macaraig, Franco Remoroso, Janice Javier, Myrna Olarte, Pearl Irene Martines at Romeo de la Cruz.
“Itinatanggi nila na sila’y mga NPA, nagpakilala silang mga inaping health workers pero patunay lamang ng pamumundok nila na sila’y mga lehitimong miyembro ng NPA rebels,” ani Samarita.
Pebrero 2010 ng masakote ng militar sa raid sa Morong, Rizal ang 43 rebeldeng NPA na nagpapakilalang health workers. Nakuha sa mga ito ang mga baril at mga eksplosibo. Nagsasanay umano ang mga suspek sa terorismo tulad ng paggawa ng bomba sa lugar.
Lima sa mga ito ang nagbalik-loob sa pamahalaan at ikinanta na ang kanilang grupo ay mga lehitimong NPA rebels.