WASHINGTON D.C. - Ikinokonsidera ni Pangulong Aquino na italaga sa kaniyang Gabinete sina Senators Panfilo “Ping” Lacson at Francis “Kiko” Pangilinan na kapwa ga-graduate sa Senado sa susunod na taon sa pagtatapos ng kanilang termino.
Ginawa ni Aquino ang pahayag sa panayam ng mga mamamahayag sa London bago ito tumulak papuntang Washington D.C.
Si Pangilinan ay ka-partido ng Pangulo sa Liberal Party samantalang si Lacson naman ay kilalang malapit niyang kaibigan noong ito ay nasa Senado pa.
Bagaman at hindi binanggit kung saan ilalagay ang dalawang senador, matagal ng napapaulat na posibleng ipahawak kay Lacson ang Department of Interior and Local Government (DILG). Posible naman umanong ilagay si Pangilinan sa Department of Justice.
Kabilang sina Lacson at Pangilinan sa anim na senador na magtatapos na ang termino sa 2013.
Sinabi ng Pangulo na kokonsultahin muna niya sina Pangilinan at Lacson tungkol sa kanyang iaalok na posisyon.
Bukas umano ang Malacañang para sa dalawang senador kung nais ng mga itong maging bahagi ng Gabinete.
Samantala, mainit ang naging pagtanggap ng mga local-Filipino American community na naghintay kay Aquino sa tarmac ng Andrews Air Force Base sa Maryland ng dumating ito sa Washington D.C. sakay ng isang chartered Philippine Airlines Airbus A340.
Nakatakdang maki pag-meeting ngayon ang Pangulo sa mga lider at miyembro ng US Senate kung saan inilo-lobby niya ang pagpasa ng “Save Our Industries Act” na inaasahang magpapalawak sa textiles at apparel trade sa pagitan ng Pilipinas at ng Amerika.
Kung magiging batas, sa Pilipinas gagawin ang mga damit na gawa sa tela na magmumula sa Amerika at papasok sa nasabing bansa ng walang binabayarang buwis o duty free.
Makikipagkita rin ang Pangulo kay President Barack Obama bago ito tumulak patungong Los Angeles, California sa Biyernes. (May ulat ni Rudy Andal)