MANILA, Philippines - Nakatakdang bisitahin ni Vice President Jejomar C. Binay ang Western Visayas upang makipag-dayalogo sa mga local government officials ng Capiz, Iloilo, Aklan at Antique, at pangunahan ang oath-taking ng mga bagong miyembro ng PDP Laban sa rehiyon.
Si Binay ay sasamahan nina United Nationalist Alliance (UNA) senatorial bets Mitos Magsaysay at Joey de Venecia, UNA spokesperson Atty. JV Bautista at dating Cong. Rodolfo Plaza ng Partido ng Masang Pilipino (PMP).
Nabatid na ang 3-day visit ni Binay sa rehiyon ay magsisimula sa Roxas City sa Hunyo 6, isang araw matapos ang kanyang pagdating mula sa Estados Unidos kung saan siya dumalo sa ikalimang Global Housing Finance Forum.
Habang nasa Western Visayas, pangungunahan rin ni Binay ang medical at dental missions na isinasagawa ng Office of the Vice President.
Ang missions ay idaraos sa Dao, Dumarao at Mambusao sa Capiz sa Hunyo 6; Nabas, Banga at Numancia sa Aklan sa Hunyo 7; at Valderrama, Bugasong at Hamtic sa Antique sa Hunyo 8.
Inaasahang aabot sa 1,000 benepisyaryo bawat bayan ang mapagsisilbihan ng missions.
Makikipagkita rin si Binay sa mga senior citizens at non-governmental organizations sa Mambusao, Dao, Passi, Banga, New Washington, Numancia, Nabas, Valderrama at Hamtic.