MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni dating Chief Justice Renato Corona sa kanyang mga supporter na suportahan nila ang kanyang magiging kapalit sa puwesto.
Si Corona ay muling nagtungo kahapon sa Korte Suprema, kasama ang asawang si Cristina at ilang tauhan.
Ang personal na pagdalaw ni Corona sa SC ay upang hilingin sa mga supporter niya at naniniwala sa kanya na ibigay ang kanilang buong suporta sa susunod na Chief Justice na itatalaga ng pangulong Noynoy Aquino at upang mag-impake o kunin ang iba pa niyang mga gamit sa kanyang dating opisina.
“Suportahan n’yo ang kapalit ko,” ito ang apila sa kanyang mga tagasuporta sa Kataas-taasang Hukuman.
Naging madamdamin ang pamamaalam ni Corona sa mga dating tauhan at empleyado ng SC bagama’t hindi na nagpaunlak ng panayam sa media.
Dumating si Corona sa kanyang dating opisina dakong alas-12:30 ng hapon kaya inabangan siya ng mga mamamahayag pero binawalan ng mga security guard ang mga reporters na makapasok sa SC.
Samantala, nabatid na dalawang miyembro ng JBC ang nag-inhibit sa proseso ng pagpili sa susunod na SC chief justice.
Kinumpirma ni JBC Ex Officio Member Cong Niel Tupas Jr na nag-inhibit sina Acting Chief Justice Antonio Carpio at Justice Secretary Leila de Lima.
Ang pag-inhibit ng dalawa ay bunsod umano sa posibilidad na parehong ma-nominate sa posisyon. Si Carpio ang most senior na nakaribal pa noon sa pag-upo ni Corona bilang punong mahistrado.
Si Ret. Supreme Court Justice Regino Hermosisima ang siyang tatayong presiding officer ng JBC para sa nominasyon ng pagka-punong mahistrado.
Nabatid na si Hermosisima ang pinakamatagal na miyembro ng JBC.