'Walang meat smuggling'
MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ruffy Biazon ang napaulat na umano’y patuloy na meat smuggling sa bansa na aniya’y mapanira at walang matibay na ebidensiya.
Ayon kay Biazon, may ilang pulitiko na hindi niya pinangalanan ang nasa likod umano ng malisyosong balita na ang layon ay pababain siya sa kanyang puwesto bilang pinuno ng BOC dahil nasasagasaan ang personal na interes ng mga ito.
Sinabi pa ni Biazon, imposibleng magkaroon ng meat smuglling sa bansa partikular sa dalawang malalaking pantalan, ang Manila International Container Port (MICP) at Port Of Manila (POV) at iba pang pantalan sa buong bansa dahil 24 oras ang ginagawang monitoring dito ng Bureau of Animal Industry (BAI), Customs Physical and Examiner ng BOC at ng kanyang itinayong Task Force on Revenue Enhancement for the Attainment of Collection Targets (React).
Nanawagan naman si Biazon sa SWINE o grupo ng mga magba-baboy na magtalaga ng kanilang mga tauhan na kasamang magbabantay ng 24 oras laban sa sinasabi nilang meat smuggling.
Subalit patuloy umanong binabalewala ng grupo ang nasabing apela.
Matatandaan na sa memorandum ni Biazon na may petsang Abril 10, 2012, inaatasan ang lahat na import frozen na karne, poultry, agricultural at fish products na nakalagay sa refrigerated container van na pumapasok sa mga pantalan ng Pilipinas ay kinakailangang dumaan sa 100% physical examination ng Customs Operations Officer III.
Kaya malabo umanong makalusot ang meat smuggling gaya ng pinalilitaw ng ilang pulitiko.
- Latest
- Trending