MANILA, Philippines - Aalis ngayon si Pangulong Aquino para sa kanyang official visit sa London mula June 4-6.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ala-1:30 ng hapon aalis ang Pangulo kasama ang kanyang maliit na delegasyon patungong United Kingdom sa imbitasyon ni Queen Elizabeth.
Isang luncheon ang ihahandog ni Queen Elizabeth para kay Aquino subalit si Prince Andrew na Duke of York ang haharap sa kanya.
Naroroon din si Lord of Mayor of London Alderman David Wootton.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ni PNoy sa UK at Europe mula ng maupo ito bilang Pangulo noong 2010.
Nakatakdang makipagkita din ang Pangulo kay Prime Minister David Cameron upang lalong patatagin ang relasyon ng Pilipinas at UK.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa iba’t ibang British investors na nais magnegosyo sa Pilipinas at ang pakikilahok nito sa Public-Private Partnership Program ng Aquino government.
Makikipagkita din si PNoy sa may 25,000 Filipino community sa UK saka didiretso sa Estados Unidos para sa kanyang state visit sa imbitasyon ni US Pres. Barack Obama mula June 7-8.