SC employees tutol sa CJ na outsider
MANILA, Philippines - Tinututulan ng mga kawani ng hudikatura ang posibilidad na outsider at hindi manggagaling sa hanay ng mga Supreme Court Justices ang itatalagang Chief Justice ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Jojo Guerrero, pangulo ng Supreme Court Employees Association, itinuturing ng tradisyon ang pagpili ng punong mahistrado mula sa hanay ng limang Senior Justices bukod sa masasabi rin na tiyak na malalim na ang karanasan at kaalaman sa batas ng mga mahistrado.
Sinabi ni Guerrero na nakahanda silang suportahan sinuman ang mahistrado na mahaharap sa kaparehong hamon na pinagdaanan ni dating Chief justice Renato Corona.
Ito’y sa harap na rin ng banta ng ilang mga kaalyado ni Aquino na posibleng may susunod pang mahistrado na maisasalang sa impeachment.
Bilang mga kawani aniya ng hukuman, tungkulin din nila na protektahan ang independence ng hudikatura.
Tiniyak din ni Guerrero na susuportahan nila sinuman ang mahihirang na bagong punong mahistrado basta’t manggagaling lamang sa loob ng Korte Suprema ang maitatalaga.
Samantala, nananatili naman daw ang kanilang paghanga kay Corona na isa umanong mapagkumbabang pinuno.
Pero tumanggi naman si Guerrero na ikumpara si Corona kay acting Chief Justice Antonio Carpio dahil kapwa naman mahusay ang dalawa pagdating sa batas.
- Latest
- Trending