Paghabol ng Ombudsman, BIR kay Corona ok kay PNoy
MANILA, Philippines - Walang balak ang Malacañang na pigilan ang Bureau of Internal Revenue at Ombudsman sa paghahabol kay dating chief justice Renato Corona.
Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, walang kontrol ang Malacañang sa BIR at Ombudsman at dapat ipakita sa lahat na pantay ang batas para sa mayayaman at mahihirap.
Sinabi ni Lacierda na kung hindi naman aaksiyon ang BIR sa mga posibleng paglabag ni Corona sa batas, maaakusahan ang ahensiya na hindi ginagawa ang kaniyang trabaho.
Mismong si Pangulong Aquino na rin umano ang gumamit sa court interpreter na si Delsa Flores bilang halimbawa na naparusahan ng batas dahil sa hindi pagsusumite ng tamang Stamement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Bahala na anya si Henares sa kasong dapat isampa kay Corona.
Tumanggi naman si Henares na sabihin kung ano na ang estado ng kanilang imbestigasyon kay Corona.
Gayunman, sinabi nito na magiging bahagi na ng kanilang pagsisiyasat ang inamin ni Corona na mayroon itong $2.4 milyon at P80 milyon na nakadeposito sa bangko.
Ayon kay Henares, wala pa ring sagot si Corona sa kanilang notice na ipinadala dito pero ngayong tapos na ang impeachment ay inaasahang tutugon dito ang accountant o abogado nito.
Kapag nagmatigas pa rin umano si Corona ay maaaring gumawa ng final assessment ang BIR base sa makakalap na dokumento at impormasyon ng kanilang assesment team para tukuyin kung may tax liability ang dating CJ.
Una rito, ilang senador ang nagpahayag na hindi sila pabor na sampahan pa ng kaso si Corona matapos mapatalsik sa puwesto lalo pa’t hindi naman napatunayan na galing sa masama ang deposito niya sa bangko na hindi idineklara sa kaniyang SALN.
- Latest
- Trending