DepEd hindi na mag-aanunsyo ng suspension ng klase
Manila, Philippines - Hindi na mag-aanunsiyo pa ng suspensiyon ng klase ang Department of Education (DepEd) sa panahong may bagyo sa bansa.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na ang awtomatikong suspensiyon ng klase sa panahong may bagyo ay ibinabase pa rin sa storm signal na ipinapalabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ipinauubaya na rin ng DepEd sa mga local government officials ang pag-aanunsiyo sa suspensiyon ng klase dahil sila ang nasa posisyon para i-assess ang lokal na sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Alinsunod sa DepEd Order 43 na kapag itinaas ng PAGASA ang Signal No. 1, awtomatikong suspendido ang klase sa public at private pre-school at kindergarten sa apektadong lugar. Kapag Signal No. 2 ay kasama na sa suspensiyon ang elementarya at high school habang awtomatikong suspendido ang klase sa lahat ng antas, gayundin lahat ng trabaho sa lahat ng tanggapan ng DepEd kapag Signal no.3.
Kung walang typhoon signal mula sa PAGASA, maaaring ipatupad ng local chief executive, sa kanilang kapasidad bilang chairperson ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ang localized suspension sa pampubliko at pribadong paaralan at maging sa trabaho sa government offices.
Maaari rin magsuspinde ng klase ang school head kung kinakailangan ang agarang aksiyon upang maiwasan ang bodily harm o pagkawala ng buhay.
Batay pa sa EO, lahat ng LGU officials ay inaasahang mag-aanunsiyo ng kanselasyon ng klase bago ang 4:30 ng madaling araw para sa whole day cancellation ng klase at 11:00 ng umaga naman para sa afternoon class suspension.
- Latest
- Trending