Manila, Philippines - Sinopla ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) sa pangangalat ng impormasyon na titigil ang pagpupuslit ng produktong tabako kapag itinaas ang buwis nito.
Sa kaniyang interpelasyon sa deliberasyon ng House Bill 5727, inihalimbawa ni Rodriguez ang ibang bansa na lumalala ang iligal na kalakalan kaalinsunod ng pagtataas sa excise tax.
Hinamon din ng kongresista na dating Immigration Commissioner, ang BIR at BOC na pag-aralang mabuti ang mga datos at pag-aaral na nagmula sa mga industriyalisado at mayayamang bansa na nagkukumpirmang tumindi ang smuggling at pandaraya bunga ng pagtataas ng excise tax o buwis sa alak at sigarilyo.
Nairita rin si Rodriguez sa BIR at BOC dahil sa pagkakalat ng mga lumang impormasyon sa publiko para lamang maisulong ang isang panukala na maaaring magpahirap sa milyong Pilipino at sa mga lehitimong industriya sa bansa.
Banggit pa ng kongresista na ang cigarette smuggling sa mga bansang United Kingdom, Malaysia, Singapore at Ireland ang nagtulak upang ang gobyerno nila ay magbago ng polisiya ukol sa basta-bastang pagtataas ng excise tax at sa halip ay masusing pinag-aaralan muna bago mag-implementa.
Tinukoy ni Rodriguez ang isang impormasyon na nagmula sa Singapore Ministry of Finance at Singapore Department of Statistics kung saan lumalabas na nang itaas ang tobacco excise tax ng 135% noong 2000 hanggang 2005, ang dami ng nakukumpiskang iligal na sigarilyo ng Singapore Customs ay tumaas ng mula walong milyong sigarilyo noong 2000 hanggang sa 106 milyon noong 2006.