Carpio inayawan ng mga senador
Manila, Philippines - Hindi pabor ang mga senador na maitalaga bilang bagong Chief Justice si Associate Justice Antonio Carpio kapalit ng na-convict na si Renato Corona.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, bagaman at hindi niya personal na kakilala si Carpio at nakikita lamang niya sa telebisyon, hindi siya komportable na ito ang magiging bagong Punong Mahistrado kahit pa ito ngayon ang acting Chief Justice.
Naniniwala ang senador na lalo lamang magkakagulo sa Hudikatura kung ipapalit sa puwesto ng Chief Justice si Carpio na kilalang kaaway ni Corona.
“Siyempre kaaway ni Chief Justice Corona yan, tapos yun ang ipapalit. Lalong magkakagulo-gulo pa,” sabi ni Estrada.
Inihayag din ni Sen. Francis Escudero na mas pabor siya kung taga-labas ng Supreme Court ang itatalaga ng Pangulo bilang bagong Chief Justice.
Dapat ring umanong nakahanda ang bagong itatalagang Chief Justice na magsumite kaagad ng waiver bago pa ito maupo sa kaniyang posisyon upang mabuksan anumang oras ang kaniyang mga deposito sa bangko at masilip ang kaniyang mga kayamanan.
Una nang sinabi ni Pangulong Aquino ang posibilidad na magmula sa labas o outsider ang kanyang itatalagang susunod na punong mahistrado ng Korte Suprema.
Aniya, bagama’t naging tradisyon na magmula sa loob ng nakaupong ‘justices’ ang susunod na Chief Justice ng High Tribunal ay hindi naman ito ipinagbabawal ng batas. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)
- Latest
- Trending