Testigo vs CGMA nawawala
MANILA, Philippines - Tuliro ngayon ang Comelec panel makaraang biglang mawala ang isa nilang testigo laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si dating Maguindanao election officer Russam Mabang na ipiprisinta sana kahapon sa Pasay City Regional Trial Court.
Sa pagdinig sa bail petition ng kampo ni Arroyo at ni dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol sa sala ni RTC Judge Jesus Mupas, sinabi ni Comelec lawyer Jane Valeza na hindi nila mabatid ngayon kung nasaan si Russam Mabang.
Sabi ni Valeza, nakausap pa niya kamakalawa ng gabi si Mabang na tiniyak ang pagdalo sa pagdinig ngunit kahapon ng umaga ay hindi na ito mahagilap. Hindi rin umano maipaliwanag ng mga guwardiya ng kanilang safehouse kung paano ito nawala.
Hindi rin naman pinadalo ng Comelec ang isa pa nilang testigo na si dating Maguindanao provincial administrator Norie Unas dahil sa mga banta sa buhay nito.
Ayon kay Valeza, muk hang ginagapang ang kanilang mga testigo dahil sa lakas ng kanilang kaso.
Iginiit naman ng depensa na hindi maaaring puwersahin si Mabang na tumestigo kaya hiniling ng Comelec sa korte na gamitin na lamang ang testimonya ni Mabang na una nang naisumite sa korte.
Dahil dito, binigyan ni Judge Mupas ang panig ng Comelec ng tatlong araw para tapusin na ang kanilang kaso sa bail hearing. Itinakda ang susunod na pagdinig sa Hunyo 21.
Nagpahiwatig naman ang korte na maaaring mabigyan ng pagkakataon na makapagpiyansa si Arroyo dahil sa kakapusan ng testigo at ebidensya na naisumite ng Comelec. (Danilo Garcia/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending