VP Binay: Pardon sa 3 OFW nagpatibay ng Phl-Malaysia ties

MANILA, Philippines - Pinasalamatan ni Vice President Jejomar Binay ang Malaysian government sa pagbibigay ng pardon sa tatlong OFW na pinarusahan ng bitay sa Sabah.

Sa pakikipag-usap ni Binay kay Malaysian Fo­reign Minister Dato’ Sri Ani­fah Aman noong Mar­tes, nagpasalamat ang Bise Presidente sa Malaysian government sa pagbibigay nito sa kahilingan ng Pilipinas na mabigyan ng pardon sina Basir Omar, Jaliman Salleh at Aldipal Hadani.

“We sincerely appre­ciate the grant of pardon and see it as further validation of the strong ties between the Philippines and Malaysia,” ani Binay na tumatayo ring Presidential adviser on OFWs’ Concerns at kasalukuyang nasa Kuala Lumpur para sa opisyal na working visit.

Noong Enero, naki­ pag-usap si Ambassador Eduardo Malaya ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur kina Sabah Governor at Pardons Board Chairman Tun Datuk Seri Panglima, at hiniling na mapababa ang parusang kamatayan sa anim na Pinoy kabilang na ang tatlong nabanggit.

Noong Mayo 22, nagpalabas ng desisyon ang Malaysian Pardons Board na nagbibigay ng commutation sa sentensya na bitay kay Omar sa 13 taon at 7 buwang pagkabilanggo.

Samantala ang parusang bitay kay Salleh at Hadani ay ibinaba sa 15-taong pagkabilanggo mula sa ipinalabas na desisyon noong Mayo 14 sa Kota Kinabalu.

Sina Salleh at Hadani ay naaresto noong Hulyo 8, 2008 sa Kota Kinabalu matapos na mahulihan ng 867.1 grams ng cannabis (ma­rijuana) sa kanilang bagahe at sinentensyahan ng bitay ng Sabah High Court noong Hunyo 5, 2010.

Show comments