SRS ni Recom magbibigay trabaho sa mga residente
MANILA, Philippines - Inilunsad ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang “Skills Registry System” (SRS) o paglalagay ng kakayahan ng mamamayan ng lungsod sa internet na layuning mabigyan ng hanapbuhay ang mga residente na nasa bahay lamang at walang pinagkakakitaan.
Ayon kay Echiverri, sa pamamagitan ng paglalagay ng kakayahan o skills ng mga residente sa www.philjobnet.com ay mabibigyan ang mga residente ng pagkakataon upang makakuha ng trabaho kahit na hindi umaalis ang mga ito sa kanilang bahay.
Aniya, sa kasalukuyan ay aabot na sa 1,354 mga residente ang nailagay sa www.philjobnet.com at inaasahan na tataas pa ito sa mga darating na araw dahil patuloy ang paglalagay sa record at skills ng mga mamamayan ng lungsod sa naturang website.
Ngayong taon ay itinalaga ang mga napiling SPES sa bawat barangay at umikot ang mga ito sa bawat lugar upang kunin ang record at skills ng mga residente bago ito inilagay sa nasabing website.
- Latest
- Trending