MANILA, Philippines - Binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure na nasa Northern Samar dahil kapag naging bagyo, ito ay tatawaging “Ambo” at malamang na ideklara na tag-ulan na sa bansa.
Ito ang sinabi ni Boy Soriaga, weather forecaster kaugnay ng nararanasang panahon sa kasalukuyan.
Ani Soriaga, kahapon ang LPA ay nasa layong 520 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar.
Binigyang diin ni Soriaga na bagamat maulan na sa ngayon ay hindi pa rin nila maideklarang tag-ulan na dahil kailangang pumasa sa requirement ang mga ulan na nagaganap sa bansa.
Kailangan anya ay aabutin ng 1mm ng tubig ulan ang babagsak sa tatlong magkakasunod na araw o aabutin ng 25mm na rainfall ang dapat nilang maitala sa loob ng limang araw para maideklarang tag-ulan na.
Sa ngayon anya, kahit may mga pag-uulan, hindi pa nakakaabot sa itinakdang requirement ang kailangang ulan kayat hindi maideklarang tag-ulan na sa ngayon.