Witness Confidentiality Act pasado na sa Senado

MANILA, Philippines - Inaprubahan na kahapon ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang “Witness Confidentiality Act” na naglalayong protektahan ang mga testigo at biktima sa isang kasong kriminal.

Sa sandaling maging isang ganap na batas, itatago na ang contact number at address ng mga testigo at biktima habang dinidinig ang kaso.

Ayon kay Senator Miriam Defensor-Santiago, awtor ng panukala, ang mga testigo at biktima ay kalimitang natatakot na tumestigo sa korte dahil baka balikan sila ng akusado.

Sinabi ni Santiago na hindi na dapat gawing requirement ang mga detalye na maaring maging daan upang matukoy ang tinitirhan ng isang testigo o biktima para na rin sa kanilang seguridad.

“Victims and witnesses shall not be required to provide their residence or place of business name, address or telephone number in response to defense or prosecution questioning,” nakasaad sa Section II ng panukala.

Pinuri naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagpasa ng panukala dahil ang pagbibigay umano ng proteksiyon sa mga testigo at biktima ay kinakaila­ngan para sa paglaban ng kriminalidad.

Naniniwala ang mga senador na sa sandaling ma­ging ganap na batas ang panukala mas darami pang testigo at biktima ang mahihikayat na magsumbong sa pulisya at magsampa ng kaso.

Show comments