Carpio acting Chief Justice
MANILA, Philippines - Pansamantalang manunungkulan bilang acting Chief Justice si Senior Associate Justice Antonio Carpio na hahalili kay Renato Corona matapos na mapatalsik ng Senate impeachment court dahil sa hindi nito pagdedeklara ng kanyang statement of assets, liabilities and networth (SALN).
Nabatid na ang paghalili ni Carpio ay alinsunod sa Rule 2, Section 2 ng Administrative Matter No. 10-4-20-SC o Internal Rules of the Supreme Court kung saan dapat na pumalit ang pinaka-senior Associate Justice kung wala ng Chief Justice.
Matatandaan na si Carpio ay itinalaga bilang Associate Justice ng Korte Suprema noong Oktubre 26, 2001, ang kauna-unahang appointee ni noo’y Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo samantalang si Corona ang ikalawang appointee noong Abril 9, 2002.
Si Carpio ang malakas na kalaban ni Corona noong 2010 sa posisyon bilang CJ subalit binawi din nito ang kanyang nominasyon kasabay ng pahayag na tatanggapin lamang niya ang puwesto kung susunod na pangulo ang magtatalaga sa kanya.
Samantala, nagdulot umano ng matinding takot sa hudikatura ang naging hatol kay Corona.
Ayon kay SC Deputy Court Administrator Antonio Eugenio, masyadong pinersonal ni Pangulong Aquino ang kaso laban kay Corona na nagmistulang martial law gamit ang buong pwersa ng pamahalaan.
Hindi lamang anya si Corona ang naapektuhan o maaapektuhan ng pagpapatalsik sa punong mahistrado kundi ang buong hudikatura.
Sinang-ayunan naman ito ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at iginiit na posibleng kabahan ang iba pang mahistrado ng Korte Suprema na sumuway o sumusuway sa Pangulo.
Tatalakayin ng Korte Suprema sa Miyerkules ang resulta ng naging hatol ng Senate Impeachment Court kay Corona. Si Carpio ang umano’y nagpatawag ng special session.
- Latest
- Trending