MANILA, Philippines - Umiwas sina Senator-Judges Juan Ponce Enrile at Edgardo Angara na makaharap si Pangulong Benigno Aquino III matapos hindi dumalo ang 2 mambabatas sa ika-75 anibersaryo ng Government Service Insurance System (GSIS) kahapon.
Kapwa imbitado sa okasyon sina Sen. Enrile at Sen. Angara subalit hindi ‘nagpakita’ ang mga ito kung saan ay si Pangulong Aquino ang ‘guest of honor’ para sa ika-75 anibersaryo ng GSIS.
Tumanggi namang magkomento si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa umano’y hindi pagdalo ng 2 mambabatas sa okasyon na tila umiiwas na makulayan ang pakikipagkita nina Enrile at Angara kay PNoy dahil nakatakda na nilang hatulan si Chief Justice Renato Corona sa impeachment case nito.
Nagsisilbing presiding officer ng impeachment court si Enrile habang ang anak naman ni Sen. Angara na si Aurora Rep. Sonny Angara ay nagsisilbing spokesman ng prosecution.