Bidding sa LRT Cavite naunsyami

MANILA, Philippines - Naantala ang dapat sana’y “bidding” para sa multi-bilyong kontrata sa Light Rail Transit-Cavite Extension makaraang magkaroon ng aberya sa sisingiling pamasahe sa mga pasahero.

Ayon sa LRT Authority (LRTA), nais ni Transportation and Communications Secretary Mar Roxas na tukuyin ang tamang halaga ng pasahe na hindi makakaapekto ng husto sa mga mahihirap na mananakay ng train system.

Dahil dito, maaaring mailipat sa susunod na buwan ng Hunyo ang bidding sa P30 bilyong proyekto na dapat sana’y ngayong kalagitnaan ng Mayo na naisagawa.

Isasailalim sa “public-private partnership (PPP)” ang LRT Cavite Extension project kung saan ang mananalong bidder ang magtatayo ng ekstensyon ng LRT Line 1 mula Baclaran hanggang Cavite.

Ang mananalong bidder rin ang mag-ooperate at magmimintina ng train line sa loob ng ilang taon upang mabawi ang inilabas na puhunan buhat sa pasahe. Papayagan naman ng pamahalaan ang mananalong bidder na i-operate rin nito ang LRT Line 1 mula Roose­velt hanggang Baclaran at bibili rin ng dagdag na train cars para sa inaasahang paglobo pa ng mga pasahero na umuuwi ng Cavite.  

Show comments