MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ni impeached Chief Justice Renato Corona ang naunang bintang sa kaniya na may $10 milyon hanggang $12 milyon dollar deposits siya dahil $2.4 milyon lamang ang deposito niya sa apat na dollar accounts.
Inamin din ni Corona na nasa P80.7 milyon ang kaniyang peso deposit pero hindi ito lahat sa kanya dahil ang nasabing pera ay bahagi ng “commingled funds”.
Bahagi umano ng nasa P80.7 milyon ang P34.7 milyon at tubo nito sa nakalipas na 11 taon na galing sa pinagbilhan ng lupa sa Maynila na pag-aari ng Basa-Guidote Enterprises Inc. (BGEI), ang kompanya ng asawa ni CJ Corona na si Cristina.
Nasa ‘commingled funds” din umano ang pera ng mga anak ni CJ Corona at asawa nito.
Ipinagmalaki pa ni Corona na isa sa mga anak niyang si Carla ay isang Physical Therapist (PT) sa Amerika na naglagay din ng P4M savings sa kanilang commingled funds.
Kasama rin sa nasabing account ang naiwang pera ng kanilang ina na ginagamit naman niya ngayon sa pagpapagamot at pagtulong sa isa sa kaniyang mga kapatid.
Ipinaliwang ni Corona na pinag-sama-sama nila ang kanilang mga deposito upang mas malaki ang tubo.
Inamin din ni Corona na hindi niya idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang $2.4M dahil protektado ito ng Foreign Currency Deposit Act.
Ipinunto ni Corona na kahit isang opisyal ng gobyerno ay hindi idinedeklara ang kanilang depositong dolyar sa bangko dahil na rin sa umiiral na batas.
Si Senate Pro-tempore Jose “Jinggoy” Estrada ang nag-usisa kung totoong may $10 milyon hanggang $12 milyong dollar accounts si Corona.
Inamin din ni Corona na hindi sila magkaalyado ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Inakusahan din ni Corona si Morales na nagpagamit umano ito sa Malacañang ng iwagayway sa impeachment court ang tungkol sa kaniyang dollar accounts na hindi naman umano totoo.
Inihayag din ni Corona na nagtangka si Morales sa pamamagitan ng kaniyang clerk of court na humingi ng mas mataas na retirement benefits pero hindi umano niya ito pinagbigyan.