Corona, Basa bati na!
MANILA, Philippines - Nagmistulang isang telenovela ang ika-42 araw ng impeachment trial in Chief Justice Renato Corona matapos masaksihan ang pagbabati ng asawa ng chief justice na si Cristina at pamilya Basa.
Emosyonal na bumalik kahapon sa impeachment court si Corona at isinumite ang kaniyang unconditional waiver na nagpapahintulot na buksan ang kanyang mga deposito sa bangko.
Habang nasa caucus ang mga senador upang pag-usapan ang isinumiteng waiver, nilapitan ni Mrs. Corona ang mga miyembro ng Basa family at niyakap niya isa-isa ang mga ito.
Matapos ang ilang minutong yakapan at iyakan lumapit silang lahat kay CJ Corona at isa-isang niyakap naman ng mga miyembro ng pamilya Basa si CJ.
Matatandaan na mismong si CJ Corona ang naghayag sa impeachment court noong Martes na nag-ugat ang mahigit 30 taong iringan sa pamilya ng kanyang asawa ng kamkamin umano ni Jose Maria Basa III, ang lupa na dapat ay paghahatian nito at ng ina ni Cristina na si Asuncion Basa-Asuncion.
Nagkakahalaga na umano ngayon ng nasa P2.5 bilyon ang nasabing dalawang ektaryang lupa sa Libis, Quezon City.
Naging bahagi ng trial ang away ng pamilya ni Mrs. Corona dahil nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni CJ Corona ang P11 milyong inutang niya sa kompanyang pag-aari ng kaniyang asawang si Cristina, ang Basa Guidote Enterprises Inc. (BGEI).
Matatandaan na sa isang bahagi ng trial, humarap rin si Manila Mayor Lito Atienza kung saan pinatunayan nito na binili ng gobyerno ng Maynila ang lupa na pag-aari ng BGEI na nagkakahalaga ng P34.7 milyon.
Ayon sa depensa, ang nasabing halaga ay naka-deposito sa account ni Corona na hindi naman idineklara sa SALN dahil hindi ito pag-aari ng Punong Mahistrado kundi ng BGEI.
Samantala, matapos ang maikling caucus ng mga senador, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na iti-“take note” lang niya ang waiver ni Corona at hindi na nila ito aaktuhan.
Ipinaliwanag ni Enrile na hindi “producer” ng ebidensiya ang impeachment court dahil sila ay “hearer of facts”.
Dahil hindi na umano isasalang ng prosekusyon at ng depensa sa pagtatanong si Corona, nangangahulugan na isinumite na nila ang kanilang mga kaso.
Hindi na rin umano maaaring ipa-subpoena ang mga testigo na nakatala sa waiver katulad ng mga managers ng mga bangko. (May ulat ni Gemma Garcia)
- Latest
- Trending