MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagtutol ng kaniyang mga doktor at mga miyembro ng pamilya, dadalo umano ngayon sa impeachment trial sa Senado si Chief Justice Renato Corona.
Ito ang tiniyak kahapon ni dating Supreme Court Associate Justice Serafin Cuevas matapos bigyan ng 48 oras ni Senate President Juan Ponce Enrile si Corona upang bumalik sa witness stand.
Sinabi ni Cuevas na wala namang pagpipilian si Corona kundi ang bumalik sa impeachment court para tapusin ang kaniyang testimonya.
Nabatid na bumuti na ang lagay ng kondisyon ni Corona kaya ilalabas na siya sa Intensive Care Unit (ICU) sa The Medical City sa Pasig City.
Sinabi ni Dr. Eugenio Jose Ramos, senior vice president for medical service ng Medical City, hindi inatake sa puso ang punong mahistrado sa nakalipas na 48-oras na monitoring sa kanya kaya ililipat na ito sa isang private room sa pagamutan.
Gayunman, ayon kay Dr. Ramos, kung magdedesisyon itong sumipot sa pagdinig sa Senado ngayong araw ay papipirmahin nila ito ng waiver.
Nakasaad sa waiver na walang magiging pa nanagutan ang mga doctor at ang The Medical City kung mayroon mang hindi magandang mangyari sa punong mahistrado.
Pinirmahan naman ni Corona ang waiver.
Bukod kay Corona, pirmado rin ang naturang waiver ng kaniyang asawang si Cristina, anak na si Carla Corona-Castillo, Francis Corona at mga doctor na sina Dra. Marian Almajar at Dr. Michael Villa.
Tiniyak naman ni Dr. Ramos na ihahatid nila ng ambulansiya sa Senado ang chief justice sa oras na sisipot ito sa impeachment court.
Inihayag ni Ramos na kinakitaan nila ng sakit na ‘acute coronary syndrome’, na isa umanong maituturing na ‘traydor na karamdaman’ na maaaring atakihin sa puso sa oras na makaranas ng stress ang punong mahistrado.
Si Corona ay dalawang beses na ring sumailalim sa bypass operation, noong 1995 at 2008.
Matatandaan na sinabi ni Enrile na kung hindi babalik si Corona ay tatapusin pa rin nila ang trial at tiyak na maglalabas sila ng desisyon sa Martes.
Tatanggapin na rin ng impeachment court bilang ebidensiya ang testimonya o opening statement ni Corona na tumagal ng nasa tatlong oras kahit pa hindi ito naisalang sa cross examination.
Sakaling hindi makadalo ang chief justice ngayong Biyernes, maghahain pa rin ng formal offer of evidence ang defense team bago sasalang sa closing argument sa darating na Lunes.
Sa Lunes isasagawa ang oral argument kung saan bibigyan ang panig ng depensa at prosekusyon ng tig-isang oras para magsalita.
Alinsunod sa rules, kailangan ng prosecution ng 16 boto mula sa mga senator-judges para ma-convict ang nasasakdal.
Samantala, kaugnay sa inaasahang pagdating ni Corona, nagpalabas ng media advisory ang Public Relations and Information Bureau ng Senado na gagawing off limits sa media ang hallway mula sa session hall hanggang sa executive lounge sa second floor at maging ang basement kung saan paparada ang sasakyan ng Punong Mahistrado.