MANILA, Philippines - Isinailalim sa 48-oras na monitoring si Chief Justice Renato Corona na ngayon ay nasa Intensive Care Unit (ICU) ng The Medical City sa Pasig dahil umano sa ‘heart attack’ makaraang sumalang sa witness stand ng impeachment court.
Ayon kay Dr. Eugenio Jose Ramos, senior vice president for medical service ng Medical City, ala-1:00 ng madaling araw kahapon nang ilipat nila sa ICU si Corona dahil nasa ‘high risk cardiac’ ito.
Inihayag ni Dr. Ramos na kailangan matutukan ang kalagayan ni Corona dahil dalawang beses ng sumailalim sa bypass operation noong 1995 at 2008, bukod pa sa pagkakaroon nito ng renal failure at pagiging diabetic sa loob ng 20 taon.
Nilinaw ni Dr. Ramos, na ang pagtanggi nila na hindi payagan makalabas ng hospital si Corona ay hindi umano nangangahulugan na pinipigil nila itong dumalo sa Senado. Aniya sa oras na bumuti ang kalagayan ng punong mahistrado sa nararanasang hypoglycemia ay kaagad nilang ipapaalam sa publiko upang maisailalim sa cross examination ng prosecution.
“The hypoglycemia is one of the dangers in insulin treatment. Because hypoglycemia in a patient with heart condition can actually trigger a heart attack,” ayon kay Dr. Ramos.
Samantala, ipinagdarasal din ng liderato ng Kamara ang mabilis na paggaling ni Corona.
Ayon kay Majority leader Neptali Gonzales III at prosecution spokesman Erin Tanada, tao rin sila at nalulungkot sa nangyari sa Punong Mahistrado at ayaw din nila itong malagay o ang sinuman sa masamang sitwasyon.